Friday, March 20, 2015

Panliligaw: Noon at Ngayon

"At sa awitin kong ito
 Sana'y maibigan mo
 Binubuhos ko ang buong puso ko
Sa isang munting harana
Para sa'yo"

Korni man sa paningin ng henerasyon ngayon, hindi pa rin natin maipagkakailang kinakiligan ito noon. Mga makalumang panunuyo ang nagpapatibok sa puso ng mga Maria Clarang hindi makabasag pinggan sa kanilang panahon.

Naalala mo pa ba ang kwento ng iyong mga magulang kung paano sila nagkakilala? Kung paano nga ba nanuyo ang iyong tatay sa iyong nanay? Kung paano ba dumaan sa butas ng karayom ang iyong ama para lang makuha ang matamis na oo ng iyong ina? O di kaya'y ang mga lumang panunuyong ito ay sa iyong lola't lolo mo pa narinig? Kung ating babalikan ang henerasyon ng ating mga magulang o ng ating mga lolo ay madali nating makikita ang sinseridad ng mga kalalakihan sa kababaihan na kanilang sinisinta.

Noon, hindi lamang basta-basta na nililigawan ng lalaki ang isang babae. Kailangan niya munang makuha ang pagsang-ayon ng mga magulang ng kanyang ibig ligawan. At kadalasan, ang mga magulang ng isang babae ay hindi agarang nagbibigay ng pahintulot sa kanyang panliligaw. Kailangan mna ng isang babae na sila ay mapahanga. At kung desidido talaga ang isang lalaki, ano pa man ang nais ng mga magulang ng babae at kanyang gagawin – magsibak man ng kahoy o mag-igib ng tubig sa kabilang baryo. Ang mga babae naman noon ay napakahinhin. Hindi nila gaanong ipinapakita ang kanilang emosyon – kung sila ba ay kinikilig o hindi.

Sa paglipas ng panahon, nakita natin ang malaking pagbabago sa paraan ng panliligaw sa Pilipinas. Ano nga ba ang dahilan nito? Dahil ba ito sa impluwensya ng ibang bansa gaya ng teleserye at mga pelikulang ating napapanood? O kaya dahil sa umuunlad na ekonomiya ng Pilipinas? O baka naman dahil moderno na lahat ng nasa paligid natin?

Isa sa may mga malaking ginampanan sa pagbabagong ito ang kabi-kabilang paglabas ng makabagong teknolohiya. Maaari ngang napadali ang komunikasyon natin sa iba ngunit mas napadali rin ang panliligaw ng ibang kalalakihan sa mga kababaihan. Noon, halos umabot sa ilang taon ang panliligaw ng lalaki sa mga babae, ngayon ay halos hindi man lang umabot sa isang buwan. Halos nawala ang tunay na kabuluhan ng panunuyo ng mga kalalakihan sa mga kababaihan. Kung dati sinusuyo pa nila ang kababaihan sa pamamagitan ng pagpunta sa bahay nila, ngayon isang simpleng text o message sa facebook, nakukuha na agad nila ang loob ng mga babae. Ngunit hindi naman natin masasabing lahat ng panliligaw ay nadadaan lamang sa ganitong napakadaling paraan. Mayroon pa rin naming mga lalaking gumagawa ng tradisyunal na panliligaw at ito ay karapat dapat pa rin naming ipagpatuloy.

Noon man o ngayon, hindi pa rin nawawala ang konsepto ng panliligaw. Ito ay dahil sa mahal natin ang isang tao. Malaki nga ang pagkakaiba ng dalawang panahong ito, subalit nagbigay dahilan pa rin ang ito upang magpakilig at magpasaya sa luma o moderno mang paraan. Nasa atin na lamang ang desisyon kung ano ang mas pipiliin natin.

------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

GROUP 6
Domingo, Mark Anthony
Jacobe, Dessa Mae
Perez, Jeff
Posilero, Jinky
Rubiano, Jeremie


Tajan, Patrisha Willyn Mae

3 comments: