“Siyempre
ganun ‘yung kinalakihan niya, kaya malamang ganun din siya.”
Iyan ang laging sagot sa akin tuwing itinatanong ko
kung bakit ganoon na lamang ang relasyon niya sa ibang tao.
Lumaki
akong may sariling pananaw kung ano nga ba ang pamilya. May nanay, may tatay at
may anak. Bata pa lang ako’y dala-dala ko na ang paniniwalang hindi kailanman
dapat masira ang isang pamilya. Kahit ano mang problema ang dumating sa buhay
ng bawat miyembro ng pamilya ay dapat sama-samang lulutasin ito. Dahil sa
pananaw na ito, ganoon na lamang ang pagtataka ko nang malaman kong hindi buo
ang pamilya ng isa sa aking mga kakilala. Mas nagulat pa ako nang sinabi
niyang, “sabi kasi nila sa akin, kung ano
ang puno, siya rin ang bunga. Kaya hindi na ako nagtataka kung bakit ganito
kami ngayon.” Naguluhan ako noong una pero nagkaroon ako ng mabigat na
loob, naawa. Tiningnan ko siya ng matagal ngunit walang bakas ng sakit o galit
akong nakita sa kanya. Binigkas niya ang mgasalitang iyon na tila walang
pakiramdam. Dahil dito, naglakas loob akong itanong kung anong pinagdaraanan
niya.
“Maganda naman ang pagsasama ng nanay at
tatay ko noon. Masaya kami na buo kami pero nabago lahat ‘yun nung nagloko ang
tatay ko. Nambabae siya, siyempre nalaman ng nanay ko kaya naghiwalay sila…”
Tumigil siya ng panandalian, kumuha ng ilang sandal upang ituloy ang kwento. Nagsalita
nanaman siya. “Nasaktan ako nun, ‘di ko
alam kung ano ang gagawin pero mas naawa ako sa mga kapatid ko. Masyado pa kasi
silang bata para sa mga bagay na ganito. Lagi nga akong umiiyak nun, gabi-gabi
pero dumating sa point na wala na akong pakiramdam.” Sa mga sandaling iyon,
hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin dahil ako mismo’y walang karansan sa
mga ganoong bagay. Tahimik ako noon at nang maramdaman niyang wala akong ibang
sasabihin ay itinuloy niya ang kanyang kwento. “Siyempre ‘yung lolo at lola ko eh naghiwalay din nung bata pa ‘yung
tatay ko kaya siguro ganun din nangyari sa pamilya namin. Kung ano ‘yung bigat
ng damdamin niya sa sinapit niya eh naidala niya sa pamilya namin kaya ganito
kami ngayon. Ako nga mismo, natatakot na baka mangyari din sa sarili kong
pamilya ‘yung nangyari sa akin e. marami na rin kasi akong kilala na ganun ‘yung
nangyari sa kanila. Ayaw kong maniwala pero parang ganun na ‘yun eh. Kung ano
ang puno, siya rin ang bunga.” Tumahimik siya bigla, nakatulala at
unti-unti ay tumulo ang luha. Wala akong magawa kundi ang yakapin na lamang
siya.
Alam
nating lahat na ang kinalakihan ng isang indibidwal ay may malaking epekto sa
kanyang pananaw o paniniwala sa kanyang paglaki. Kung ano ang kanyang
nasaksihan sa kanyang paglaki ay maaari niya itong maidala hanggang sa kanyang
pagtanda. Alam din natin na ang pamilya ang siyang primaryang yunit ng lipunan
at dito tayo unang natututo makisalamuha sa iba’t ibang uri ng tao at iba pa
kung kaya’t malakas ang nagiging hatak nito sa pag-uugali at personalidad ng
isang indibidwal. Hindi dapat ito gawing rason upang ipantakip sa pagkakamali
ng isang tao, kundi dapat ay gamitin ito upang mas maging mabuti at
responsableng tao.
Group 2
Anna Mae Alamag
Jeska Nicole Cabiles
Dally Delos Santos
Rensea Mae De Vera
Isabella Herreria
Feby Andrea Laroco
Danna Ruiz
No comments:
Post a Comment