Friday, March 13, 2015

Bagita

Bagita: Mahirap Maging Batang Ina

“Batang- bata ka pa at marami ka pang kailangang malaman at intindihin sa mundo…”

Habang ako’y nagmumuni-muni sa aking silid, binasag ng tunog ng aking telepono ang imaheng nabubuo sa aking isipan. “Ui Girl, aattend ka ba ng binyag ng anak ni ___?”
            Hindi ko alam, wala akong alam, hindi ko alam na si ___ay ganap ng ina, isang batang ina.
            Kaklase ko si ___ mula sa aming unang taon sa sekondarya hanggang sa kami ay nagsipagtapos. Naging kaibigan ko sya at lubos na nakilala. Galing siya sa isang pamilya kung saan kasama niya ang kaniyang ina at tatlong kapatid na babae mula sa magkakaibang ama. Matalino siya, mabait, tahimik, at mababatid mo sa kaniya ang murang kaisipan at pangangatawan. Ngayong ganap na siyang ina, paano niya haharapin ang bukas?
            Ayon sa resulta ng pagsusuri ng National Demographic and Health Survey (NDHS) noong nakaraang 2013, isa sa bawat sampung batang babae na may edad mula 15-19 taong gulang sa Pilipinas ay nagsimula nang magluwal ng kanilang anak. Ang walong porsyento ay ganap nang ina at ang natitirang dalawang porsyento ay ipinagbubuntis ang kanilang unang anak. Patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga batang nabubuntis at kalakip nito ang patuloy ring paglobo ng negatibong epektong hatid nito, di lamang sa ina at sa sanggol, bagkus pati na rin sa lipunan.
            Unang una, ang maagang pagbubuntis o panganganak ay lubos na mapanganib sa murang katawan ng nagdadalang tao. Maraming mga suliranin ang maidudulot nito tulad na lamang ng pagkakaroon ng highblood pressure o pregnancy-induced hypertension, preeclampsia, sexually transmitted diseases at iba pa. Bukod sa mga ito, ang isang ina’y may posibilidad na makaramdam ng matinding pagkalungkot o postpartum depression na kadalasang nararamdaman pagkatapos niyang manganak, maari rin silang magsilang ng isang sanggol na kulang sa timbang at kulang sa buwan. Ayon sa aklat na “Kaalaman sa Buhay” na inilathala ng DA(Department of Agriculture) sa pakikipag ugnayan sa PIA(Philippine Information Agency) at UNICEP(United Nation Children’s Fund), “Sa Pilipinas,22% ng kabuuang bilang ng mga namatay sa taong 1980 ay mga sanggol. Ang pinakamaraming sanggol na namatay noong 1985 ay nasa gitna at kanlurang Mindanao sa daming 105 sa bawat 1000 ipinanganak, at umabot pa sa 133 kabuuan bawat 1000 sa Sulu at Tawi-tawi. Pinakamaraming namatay na mga inang wala pang 15 taong gulang- 71.7 ang namatay sa bawat 1000 na nanganganak.” Maraming mga batang ina ang kadalasang tumitigil sa pag-aaral upang alagaan na lamang ang kanilang anak at pinapaliit ang lugar na iikutan ng kanilang buhay dahil sa hindi maiiwasang usap- usapan.
            Nakatutuwang isipin na si _____ ay nakalagpas na sa pagsubok na ito ng kanyang buhay, siya ay patuloy na nag-aaral ngayon sa kolehiyo at hinarap ang mga usap usapang minsang nagpaliit ng kanyang mundo. Sa tulong ng kanyang pamilyang laging nakaagapay at sa tulong ng ama ng kanyang anak, patuloy niyang binubuo ang kanyang buhay.
            Hindi lingid sa ating kaalaman na ang ating ina ay nahihirapan ring gampanan ang kanilang tungkulin, paano pa kaya ang mga batang nagsisimula pa lang sumibol at wala pang kakayahang magdesisyon para sa kanilang sarili ay may responsibilidad na nag aantay para sa isa pang sisibol na buhay? Oo nga at hindi natin maitatanggi na marami nang napagdaanan ang isang bata na buhay sa mundo sa loob ng labing limang taon, ngunit marami pang kailangan matutunan at maranasan upang maging handa sa mga bagay bagay na aatake sa iyo na maaaring magparupok at magpabagsak sa iyo ngunit sa kabila ng lahat, ang mga pag atakeng ito ang magsisilbing hudyat ng yong pagbangon para sayong sarili, sa iyong pamilya at sa iyong lipunan.

References:
1991. Kabanata 1: Pag-aanak sa Tamang Panahon. Kaalaman sa Buhay (Facts for Life) Pambansang Edisyon ng Pilipinas. (pp. 5) Manila, Philippines
Philippine Statistic Authority, National Statistic Office: http://web.psa.gov.ph/tags/teenage-pregnancy
World Health Organization: http://www.who.int/mediacentre/factsheets/fs364/en/


---

SocSci10Z Group 4.

Jaeger Dwayne Tamara, Mike Gyro Paras, Anthony Teofilo Jr., Gianna Capacia, Faye Mendoza, Jerome Gabriel.

No comments:

Post a Comment