Ang
buhay ay sagrado. Ito ang madalas nating marinig lalong-lalo na sa mga simbahan
at sa mga taong may malaking pagpapahalaga sa buhay. Sa katunayan nga ay may
mga pamilya at ina na sa tuwing sila'y nabibiyayaan ng anak ay lubos na
nasisiyahan lalong-lalo na kung ito ay ang kauna-unahan nilang magiging anak.
Ngunit bakit may mga babae na naatim na magpalaglag ng mga sanggol sa kanilang
mga sinapupunan na kung iisipin ay isang paraan ng pagpatay. At ang pagpatay ay
isang krimen hindi lamang sa batas ng tao kundi pati na rin sa batas ng Diyos.
Hindi man lang ba sila nagdalawang-isip na sa pamamagitan nito ay malalabag
nila ang kautusan ng Diyos at sila'y magkakasala sa kanya? Hindi man lang ba
sila nakonsensya sa buhay na kanilang ipinagkait sa isang batang wala pang
kamuwang-muwang na kung magsasalita sana ay makikiusap na huwag siyang
ipalaglag?
Nakakalungkot
mang isipin ngunit ito ang katotohanan na nangyayari ngayon sa ating lipunan,
na may mga sanggol na pinapalaglag ng kanilang mga ina. At kung makakapagsalita
lamang ang mga inilalaglag na sanggol, maaaring ito ang sasabihin nila, “Inay bakit mo ito hinayaang mangyari? Dahil
ba magulo ang iyong isipan ng mga oras na iyon. Marahil napuno ka ng galit
dahil hindi mo inaasahang ako'y mabuo sa loob ng iyong sinapupunan. Marahil
hindi mo kinaya ang sobrang depresyon dahil sa mga sinasabi ng ibang tao sa
iyong sitwasyon. O marahil natakot ka na ito'y malaman ng iyong mga magulang
dahil ikaw ay nasa murang edad pa
lamang. Bakit inay? Nais kong malaman ang iyong dahilan kung bakit mo ito
nagawa. Kung hinayaan mo lang sana akong mabuhay, marahil ay malaki na ako
ngayon. Malayang napagmamasdan ang ganda ng kapaligiran. Kung paano sumikat at
lumubog ang araw sa silangan at kanluran, malayang napapakinggan ang mga huni
ng ibon sa alapaap at malayang nalalasap ang simoy ng hangin. Kung hinayaan mo
lang sana ako, marahil ang buhay ko ngayon ay katulad ng mga normal na bata sa
mundong ito. Masayang nakapaglalaro kasama ang aking mga kaibigan,
nakakapag-aral upang maabot ang aking mga pangarap sa buhay, at malayang
nagagawa ang anumang aking nais gawin. Bakit mo ako pinagkaitan ng buhay inay?
Nais ko sanang maranasan ang init ng iyong mga bisig habang ako'y iyong
kalung-kalong at kinakantahan ng isang awitin.”
Ang batas ng
Pilipinas ukol sa aborsyon ay isa sa mga pinakaistrikto sa buong mundo. Ito ay
iligal at may kaukulang mga parusa sa kung sino mang mahuhuling gumagawa nito.
Gayunpaman, dahil sa maraming hindi inaaasahang pagbubuntis, ang aborsyon ay
karaniwang ginagawa sa ating bansa. Base sa isang pag-aaral, tinatayang 560,000
na aborsyon ang nangyari noong 2008 at 610,000 naman noong 2012. Marami rin ang
mga namamatay na mga ina na sumusubok ng aborsyon dahil sa mga delikadong
paraan na kanilang ginagawa upang malaglag ang bata sa kanilang sinapupunan.
Tinatayang 1,000 na mga babaeng Pilipino ang namamatay bawat taon dahil sa mga
kumplikasyon na dulot ng aborsyon. Noong 2012, mahigit kumulang 100,000 na mga
babae ang naospital dahil sa kumplikasyon ng aborsyon, at meron pang hindi
mabilang na mga babaeng Pilipinong nagdurusa sa mga komplikasyon na hindi
nabibigyan ng lunas.
Tama na!
Tuldukan na ang hindi makataong aborsyon ng ilang mga ina. Ilang buhay pa ba
ang dapat makitil upang matauhan ang mga taong ito sa kanilang ginagawa? Ilang
makabagbag damdamin na mga sentimyento pa ba ang dapat marinig mula sa mga
batang pinapalaglag na tila piping nagsasalita upang ipahayag ang kanilang
nararamdaman? Kailangan nating pahalagahan ang bawat buhay dahil ito'y minsan
lang sa ating pinagkakaloob ng Diyos at ito'y sagrado.
SOURCE:
Unintended Pregnancy
and Unsafe Abortion in the Philippines (2013, July). Retrieved from: http://www.guttmacher.org/pubs/FB-UPUAP.html
GROUP 6
Domingo, Mark
Anthony
Jacobe, Dessa
Mae
Perez, Jeff
Posilero,
Jinky
Rubiano,
Jeremie
Tajan,
Patrisha Willyn Mae
No comments:
Post a Comment