"Gustong-gusto
kong maranasan kung paano magkaroon ng isang kapatid." Ito ang pahayag na
nasambit ng isa naming kagrupo nang tinanong namin kung minsan ba ay nasagi sa
kanyang isipan o natanong sa kanyang mga magulang ang tungkol sa pagkakaroon ng
mga kapatid.
Sa isang
tipikal na istruktura ng bawat pamilya sa Pilipinas, karaniwang binubuo ito ng
isang ina, ama, mga anak, at minsan ay kasama ang mga lolo at lola. Ngunit sa
bawat pamilyang Pilipino, tunay ngang may pagkakaiba ang mga ito sa kung ilan
ang bilang ng mga anak. May ilang pamilya na mayroong dalawa, tatlo o mas
madami pang anak at minsan naman ay mayroon ding nag-iisa lang. Ngunit ano nga
ba ang pagkakaiba ng mga ugali ng bawat anak sa pamilya, ang nag-iisang anak
laban sa madami? Ano ang epekto ng birth order sa relasyon ng
mga magkakapatid? At bakit nga ba may ilang pamilya na isa lang ang anak? Ito
ba ay kagustuhan lamang ng mga magulang o dahil sadyang hindi na talaga kayang
magbuntis ng ilang ina?
Sa panahon
ngayon, dahil sa kahirapan sa buhay, hindi maiaalis ang katotohanan na mas
naibabaling ang atensyon ng ilang mga magulang sa kung papaano nila
masusuportahan ang mga pangangailangang materyal at pinansyal ng kanilang mga
anak at kung papaano nila mapaghahandaan ang mga hinaharap nito upang mabuhay
nang matiwasay. Kaya naman may ilang mga magulang, madalas ay iyong mga edukado
at may maayos na trabaho, ay mas pinipili na lamang na magkaroon muna ng isang
anak. Ngunit sa kabilang dako naman na siyang kapansin-pansin ngayon sa bansa,
lalo na sa mga lungsod, kung sino pa iyong mga salat sa buhay ay sila pa ang
mga nagkakaroon ng madaming anak. Sa mga nabanggit na dahilan, maari nating
masabi na malaki ang nagiging epekto nito sa kung paano kumilos at mag-isip ang
mga anak.
Ang
pagkakasunud sunod ng mga anak o birth order ay may malaking
epekto sa relasyon ng mga magkakapatid sa isa’t isa. Ayon kay Robert Sanders sa kanyang
librong "Sibling Relationships", iba-iba ang epekto ng birth order sa mga panganay o mga nakatatandang kapatid, sa mga
mas bata, at sa mga nag-iisang anak . Ang mga nakatatandang kapatid raw ay mas
responsable at matapat. Pakiramdam nila ay espesyal sila at responsable sila sa
pagpapanatili ng kapakanan ng pamilya. Minsan ay nagagalit sila sa kanilang mga
nakababatang kapatid. Malaki ang ekspektasyon ng kanilang mga magulang sa
kanila sapagkat sila ang inaasahang magbigay ng karangalan sa kanilang pamilya
kaya minsan ay nakakaranas sila ng pressure. Ang mga bunso o mga nakababatang mga kapatid naman
ay mas walang inaalala. Sila ay kadalasang tinuturing na 'baby' ng
pamilya. Maaring sila ay sanay na na may nag-aalaga sa kanila, at hindi nila
ramdam ang responsibilidad nila sa pamilya di gaya ng mga panganay o
nakatatandang kapatid. Madalas, sila rin ang may mas kaunti na respeto sa
nakatatanda. Ang mga nag-iisang anak o only child naman ay mas gustong mag-isa
at sila ay nahihirapan sa pakikitungo sa iba at sa pakikipagkaibigan. Sila rin
ay nababalisa, resulta ng pagiging overprotective ng kanilang mga magulang. Kadalasan, malapit sila sa
kanilang mga magulang.
Sa kalagayan ng ilan naming kagrupo,
ang nabanggit na paliwanag ni Sanders ay may pagkakatulad sa kanilang karansan.
Halimbawa na lamang ang kwento ng isa naming kagrupo na bunso sa tatlong
magkakapatid. “ Karaniwang nakikita ko na ang panaganay sa amin ang
pinakaresponsable sa aming magkakapatid, ang pangalawa ay yung kumbaga’y ‘left
out’ at ang bunso yung spoiled at iresponsable. Bilang bunso, nasa
akin lahat ng pressure – yung maging kasingkatulad ng aking ate, na maging
magaling sa kanila, puro pressure na galing sa magulang. Sa
pag-uutos, laging pasahan, at ako na rin yung gagawa since wala na rin akong
mas nakababatang kapatid na pwedeng utusan.”
Nagbahagi
rin ang isa naming kagrupo na middle child, “Hindi ako naniniwala
sa madalas nilang sinasabi na ang middle child daw ay ang black
sheep ng pamilya. Kasi ako, hindi naman pabigat sa aking pamilya.
Actually parang ako pa nga yung nagiging mabuting anak sa amin. Yung
ate ko, nung bata kami, palaging napapansin ko lang na palaging yung mga gusto
niya yung napagbibigyan tapos ako yung kawawa. Palaging siya yung napapansin
kasi siya yung matalino, mabait dati. Pero nagbago ang lahat. Nung lumaki na kami,
nagsumikap ako na mapansin ng mga magulang ko. Nagpakadalubhasa ako.
Nagpakabait. Yung ate ko nagbagi yung ugali. Gusto niya siya yung palaging nasusunod.
Medyo rebellious na rin siya. Tapos kapag may iniutos sa kanya
yun nga pinapasa niya din sa akin. Tapos siguro pressured din
siya kasi nasa kanya lahat ng responsibilidad kaya ganun. Yung bunso naman sa
amin, palagi ding nasusunod yung gusto niya. Spoiled brat yun eh. Palagi nga
kaming nag-aaway eh.”
Ayon
naman sa isa naming kagrupong panganay, “Bilang pinakamatanda na anak sa aming
pamilya, malaki ang expectations sa akin ng mga parents ko.
Kailangan ko magsikap sa pag-aaral sapagkat inaasahan nila na ako ay tutulong
sa pag-aaral ng mga kapatid ko. Actually, hindi ko masyado ka-close yung mga
kapatid ko. Hindi kami nagpapansinan nung kapatid ko na sumunod sa akin, at
palagi naman kaming nag-aaway nung bunso kong kapatid. Ako din yung palaging nauutusan,
pero kung tinatamad ako, inuutos ko sa iba kong mga kapatid. Yung middle
child sa aming pamilya, ay hindi masyadong napapansin, di gaya naming
panganay at bunso sa pamilya. Siya rin yung palaging napapagalitan kung may
mali siyang nagawa hindi katulad ko at ng bunso kong kapatid na madaling
makalusot sa mga kalokohan namin.”
Gayunpaman hindi pa rin natin maaring sabibin na
ganito nga yung nangyayari sa bawat anak. Nakadepende pa rin ito sa mismong
indibidwal at sa mga taong kanyang nakakasalamuha at ang paligid na kanyang
ginagalawan. Dahil
bawat pamilya sa bawat lugar, at ang mga miyembro nito ay magkakaiba. Maaring
ang mga nabanggit sa itaas ay totoo lamang sa iilan at maari din namang hindi
angkop sa iba.
Sanders, R., & Campling, J. (2004). Sibling relationships: Theory and issues for practice ([Pbk. ed., p. 65). New York: Palgrave Macmillan.
Domingo, Mark Anthony
Jacobe, Dessa Mae
Perez, Jeff
Posilero, Jinky
Rubiano, Geremie
Tajan, Patrisha Willyn Mae
No comments:
Post a Comment