Friday, April 3, 2015

Para Sa'yo Anak Ko

Mahirap maging isang magulang. Kasama sa pagiging magulang ang pagkakaroon ng malalaki at mabibigat na responsibilidad na pinaghahatian ng isang ama at ina. Ngunit paano kaya kung nag-iisa lamang ang magulang na nagbubuhat ng napakabigat na responsibilidad na ito? Hindi kaya magkabali-bali ang kanyang mga buto sa bigat ng kanyang pinapasan?

            Hindi biro ang maging single parent dahil kailangan nilang maging nanay at tatay nang magkasabay. Malaki ang kanilang mga pagsubok na kinakaharap. Isa na rito ang problemang pangpinansyal. Kailangan nilang kumayod nang mabuti upang matustusan ang mga pangangailangan at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga anak. Nagkakaroon din sila ng problema sa emosyonal at sosyal na aspeto. Maaring sila may maistress sa bigat ng responsibilidad na kanilang inaako. Maari ding wala na silang panahon na makisalamuha sa ibang mga tao kaya kaunti lang ang kanilang mga kaibigan. Malaking sakripisyo ang kanilang inilalaan upang buhayin ang kanilang pamilya.

Bakit nga ba nagkakaroon ng mga single parents?  Maaring namatay ang isang magulang kaya sinisikap ng naiwan na magulang na itaguyod nang mag-isa ang kanyang pamilya. O maaari ding naghiwalay ang mag-asawa kaya ang mga anak ay nabubuhay kasama ang isang magulang lamang. Maari din naman iniwan ng isang magulang ang kanyang pamilya. Pwede rin na nabuntis ang ina nang siya ay dalaga pa at hindi alam kung sino ang ama. Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit may mga single parents.

Ang pagkakaroon ng single parent sa isang pamilya ay may negatibong epekto sa mga anak. Dahil mag-isa lang ang magulang na bumubuhay sa kanyang mga anak, maaring magkaroon ng problemang pinansyal at dahil dito, maaring hindi maibigay ng magulang ang lahat ng pangangailangan ng kanyang mga anak. Maaring magbigay ito ng problema sa pag-aaral, kalusugan, at sosyal na pakikitungo ng mga anak. Ang pagkakaroon ng iisang magulang lamang ay maari ding magkaroon ng negatibong epekto sa pagpapalaki sa mga anak. Kailangan ng isang single parent na maging parehong ina at ama sa kanyang mga anak at maaring hindi niya ito magawa nang maayos. Pwedeng makaranas ng mga problemang emosyonal ang isang anak kung hindi tama ang pagpapalaki sa kanya. Ayon din sa isang pag-aaral, ang mga anak na binubuhay ng single parent lamang ay mas nakakaranas ng depresyon, mas kaunti ang mga kaibigan, mababa ang self-esteem, at mas malaki ang posibilidad na gumawa ng kapilyuhan kaysa sa mga anak na pinalaki ng dalawang magulang. Ngunit, hindi rin natin maikakaila na may mga positibong epekto din ang pagkakaroon ng single parent sa mga anak. Dahil iisa lamang ang magulang na bumubuhay sa isang anak, mas nagiging independent ang mga anak. Mas responsable din sila sapagkat alam nilang nag-iisa lang ang kanilang magulang kaya kailangan nilang tumulong.

SOURCE:
Amato, P. (2005). The Impact of Family Formation Change on the Cognitive, Social, and Emotional Well-Being of the Next Generation. http://futureofchildren.org/publications/journals/article/index.xml?journalid=37&articleid=107&sectionid=692

------------------------------------------------------------------------------------------------

GROUP 6:
Domingo, Mark Anthony
Jacobe, Dessa Mae
Perez, Jeff
Posilero, Jinky
Rubiano, Geremie
Tajan, Patricia Willyn Mae

No comments:

Post a Comment