Friday, April 17, 2015

Ang Lola kong Gwapa


Napakalaking usap-usapan ang sumabog nang mabalita ang “Mommy D and the BF”, marami ang natawa, marami ang nagulat, marami ang humanga at marami rin ang hindi nasiyahan sa narinig na balita dahil sa hindi raw ito ang “normal” sa lipunang kanilang ginagalawan. “Nakakadiri, yuck, iww,” yan ang mga karaniwang salitang  maririnig mo kung banggitin mo ang balitang ito.  Subalit, ano nga ba talaga ang normal? Paano mo masasabing normal ang isang bagay? Dahil ba sa ito ang idinikta ng lipunan mo, ito na rin ang normal sa iyo?
Sa murang edad na limampu’t apat, namatay ang lolo kong si Emilio (hindi tunay na pangalan). Naiwan niya ang kaniyang pinakamamahal na asawa, ang lola kong si Merly (hindi tunay na pangalan), na noo’y mahigit apat na  pung taong gulang na rin. Namuhay si lola ng mag-isa ngunit may suporta pa rin na nagmumula sa kanyang mga anak. Masasabing hindi nagkulang at hindi siya pinabayaan ng mga ito. Sa simpleng paraan para mabuhay, nagdadala si lola ng kaniyang mga lutong meryenda tulad ng toron, banana cue, buko juice at iba pa sa kantina ng kanyang anak upang maibenta sa mga trabahador sa isang malaking planta na kilala  sa Bataan.           
Hanggang sa isang araw, nakilala ni Lola Merly itong si Luis (di tunay na pangalan), isang gwardya sa planta. Siya ay matangkad, medyo maitim, medyo matipuno at higit sa lahat ay bata pa. Siya ay nakatira lamang sa barracks na inilaan ng may-ari ng planta dahil siya ay mula sa pa sa probinsya ng La Union. Bunga ng kahirapan ng buhay, napilitan siyang pumunta pa sa Bataan upang magtrabaho.
  Araw- araw nang nagkikita ang dalawa, ang batang si Luis at ang may edad ko nang lola na si Lola Merly. Tumagal ang panahon, mababatid mong mayroon na silang relasyon. Relasyong hindi gaya ng relasyon ng isang ina sa anak, kundi relasyon ng isang lalaki at isang babae na may mutual na pagtingin sa isa’t isa. Dumating ang araw na dinala na ni Lola Merly si Luis sa kanyang bahay nang walang pagkonsulta man lang sa mga anak nito. Sa di inaasahang pagkakataon, nagpang-abot ang mga anak ni Lola Merly at si Luis sa bahay nito. Doon na inamin ng dalawa na sila ay may relasyon.
Sa una ay hindi tinanggap ng mga anak ni Lola Merly si Luis sa mga kadahilanang (1) peperahan lamang raw nito si lola at sa huli’y iiwan rin, (2) bata pa ito at hindi sila kaaya-aya sa paningin ng mga tao sa kanilang lugar , (3) magiging pabigat lamang raw ito sa kanya, at huli (4) anim ang anak ni lola Merly at ang lahat ng ito ay nakakatanda kay Luis maliban sa bunso ngunit mabigat man sa kalooban nila ay wala na silang magawa kundi pumayag na lang sa nais mangyari ng kanilang ina.
Ngayon, ang lola kong si Merly ay mahigit anim na pung  taong gulang na at si Luis ay mag- aapat na pung taong gulang pa lamang. Tinanggap na ng  mga anak ni Lola Merly si Luis bilang pamilya dahil sa ipinamalas nito. Maging ang mga taong nakapalibot kina Lola Merly at Luis ay natanggap  na rin ang sitwasyon bilang normal na bagay na lamang. Sa ganitong perspektibo, masasabi ba nating panahon ang nagdidikta kung ano ang normal? Masasabi rin ba natin na dapat natin hadlangan ang mga bagay na sa tingin natin ay kakaiba? Hadlangan ang mga bagay dahil wala itong benepisyo sa atin?
 Sa mahigit labinlimang taon na pagsasama ni Lola Merly at ni Luis, pinatunayan ni Luis na mali lahat ang sinabi ng mga anak ni Lola Merly noon. Hindi man humihinto ang suporta ng mga anak sa kanilang ina, nagtatrabaho pa rin si Luis upang mabuhay ang aking lola, siya rin ang nagsisilbing personal nurse ni lola Merly ngayong matanda na ito at humihina na ang katawan. Siya rin ang driver nito na kasakasama niya kahit saan magpunta at higit sa lahat siya ang asawa nito na nagsisilbing lakas at inspirasyon na katuwang niya sa pang-araw araw na pamumuhay.


SocSci 10 Z Group 4.
Jaeger Dwayne Tamara,
Mike Gyro Paras,
Anthony Teofilo Jr.,
GiannaCapacia,
Faye Mendoza,
Jerome Gabriel.

No comments:

Post a Comment