Friday, May 22, 2015

PAMANA



Kung sa mundong kinamulatan mo ay ordinaryong tanawin na lamang ang mga musmos na tulad mo na nabibilad sa arawan, batak na ang mga bata ninyong katawan at sumasabak na sa mabibigat na trabaho, hindi ba’t hindi mo naman ito ituturing na pang-aabuso? Pagkat ito ay isang pangkaraniwan nang pangyayari sa inyo. Ito ang reyalidad na kinabibilangan mo. Na ang mga bata ay katulong ng kani-kanilang mga magulang sa bukid o kung saan man may trabaho o mapagkakakitaan ng perang pantustos sa araw-araw. Ito ang inaakala ninyong normal na nangyayari. Ito ang akala ninyong tanging maaring mangyari. Dahil hindi lang ito nagsimula sa inyo, maging ang inyong mga magulang ay ganito na ang kinamulatan at ang mga magulang ng magulang ninyo.

Hindi pera o ari-arian ang siyang pinamamana sa inyo ng inyong mga magulang sa mura ninyong edad kung hindi ay trabaho. Ang kanilang pamana ay maaari mo nang tamasahin,  agad-agad, kahit na nabubuhay pa sila. Hindi tulad ng iba na kailangan pa munang maghintay na tumuntong sila sa legal na edad bago nila makuha ang kanilang mana. At lalong hindi nila kailangan pang hintaying mawala sa kanila ang kanilang magulang bago mapasakanila ang bagay na gustong ibigay sa kanila ng kanilang mga magulang.

Nabuhay man ako sa mundong iyon noon, naranasan ko man ang ganoon noon, tumanggap man ako ng pamana noon, hindi naman ako nanatili roon ng ganoon katagal. Sa kabutihang palad, isang amang may mataas na pangarap at inang gustong umalis sa nakasanayang hirap ang mayroon ako. Hindi nila gustong manatiling pinapasa sa aming pamilya ang pamanang hirap iwasan. Ayaw na nilang hanggang sa aming bunso ay umabot pa ang manang noon pa man ay gusto na nilang tanggihan.

Ibang pamana ang pangarap nilang ibigay sa aming magkakapatid. Pangarap na unti-unti na naming naaabot. Pamana na hindi mawawala sa amin. EDUKASYON.


Laking pasasalamat ko sa aking mga magulang na hindi ko na mararamdaman ang takot na noo’y bumalot sa kanila na baka pati ang aking mga apo ay mapamanahan ko ng trabahong magkakait sa kanila ng pagkakataong maranasan ang kasiyahang dulot ng pagiging bata.

Group 3 SocSci10-Z

Nunez, Vanessa Janine R.
Ojos, Kevin
Red, Ramces Brayalle
Alabin, Glassyl
Moraleta, Raniella

No comments:

Post a Comment