Friday, February 27, 2015

Papa, Huwag Po!

Sa ulo ng mga balita!
…Ama, pinagsamantalahan ang anak
…Dalawang magkapatid, ginahasa ng tatay
…Ama, ginahasa ang anak: dalagita, patay

            Mga krimeng malimit nating marinig at napapanood sa telebisyon at radyo at minsa’y nababasa sa mga pahayagan. Isang katotohanan na kasalukuyang nangyayari sa ibang pamilyang Pilipino. Ito’y maituturing na isang krimeng hindi natin lubos akalain; na ang sariling ama ang siyang pangunahing may gawa at ang kaniyang mga anak ang biktima.

            Sadyang hindi nga sapat ang lukso ng dugong dumadaloy sa pagitan ng anak at ama upang limitahan ang pangangailangan sa isang lalaki. Marami na nga ang mga naglalabasang balita tungkol sa mga pang-aabuso ng isang magulang sa anak, at marami rin siguro sa atin ang nagtatanong kung paano ito nangyayari. Isang demonyo kung ating maituturing! Hindi niya ba naisip na galing sa kanyang laman ang pinagsasamantalahang anak?

            Subalit ano nga ba ang puno’t dulo at dahilan nito? Dahil ba parating wala ang ina sa bahay?, O di kaya kasalanan din ng anak na kinulangan sa tela ng damit o sobra kung magpaganda kaya naakit ang tatay? Dahil ba walang panlaban ang anak sapagkat siya ay babae? , O maaring hindi na napupunan ng kanyang asawa ang kanyang sekswal na pangangailangan kaya bumabaling na lang sa anak? Di naman kaya takot ang nanay sa kanyang asawa kaya wala siyang magawa para maipagtanggol ang kanyang anak? Kahit ano pa man ang dahilan, isa pa rin itong hindi makataong gawain.

            Malaki ang epekto ng panggagahasa sa biktima lalo na sa aspetong sikolohikal. Sinisira ng panggagahasa ang integridad ng anak o nawawala ang pakiramdam ng pagiging buo.  Ito ay maaring magdulot ng depresyon sa biktima, at malaking takot na maulit muli ang pangyayaring ito. Isa pang epekto ng panggagahasa ay ang pagkawala ng tiwala ng anak na ginahasa sa kanyang ama. Naiiba ang depinisyon ng anak sa salitang kaligtasan at proteksyon sapagkat imbes na ang tatay ang magsisilbing proteksyon ng anak, siya pa ang nagiging dahilan kung bakit nawawala ang kaligtasan ng anak. Ito rin ay nagbibigay ng mga sugat na kailanma’y hindi maghihilom.

Tulad na lang ng halimbawa ng isa naming kagrupo tungkol sa karanasan ng kanyang kaibigan. “Naalala ko yung kinuwento sa akin ng isa kong kaibigan na babae. Siguro dahil sa mapagkakatiwalaan naman ako at baka di na niya kayang itago yung galit at depresyon na kanyang nararanasan kaya nasambit niya sa akin yung kanyang karanasan sa kanyang ama. Nitong nakaraang taon lang ay nagbirthday siya at kasalukuyan na siyang 18 ngayon.Hindi ko na siya papangalanan. Tatlo silang magkakapatid. Puro babae. Siya yung panganay. Tapos yung nanay niya ay may malubhang sakit at palagi na lang siyang nakahiga sa kama kasi nga dahil sa kanyang sakit. Yung tatay nila yung siyang nagpapaaral at tumutustos sa lahat ng gastusin sa kanilang tahanan. Tapos noong nag-18 na siya parang napapansin niya na parang iba yung mga tingin ng tatay niya sa kanya. Tapos parang araw-araw na raw ay parang mas naging ‘clingy’ yung tatay niya. Palagi daw niyang tinatanong kung may kailangan daw ba siyang bayaran sa school ganyan. Tapos isang gabi daw, habang tulog ang lahat, yung tatay niya ay pumasok sa kwarto niya tapos nilock yung pinto. Kinabahan daw siya hanggang sa palapit ng palapit yung tatay sa kanya at sa mga sandaling iyon daw ay pinagsamantalahan siya ng tatay niya. Wala daw siyang magawa kasi nung mga oras na iyon. Gusto man daw niyang sumigaw kaso hindi niya magawa dahil baka magising yung mga nakakabatang kapatid niya at yung nanay niyang may sakit. Hindi rin daw niya maisumbong sa mga kamag-anak niya kasi nga yung tatay daw yung nagpapaaral sa kanya at siyang pangunahing naghahanap-buhay sa kanila at yung gumagastos sa pagpapagamot ng kanyang nanay. Gustong-gusto niya ding makapagtapos sa pag-aaral. Paulit-ulit daw na nangyayari yung panghahalay ng kanyang ama. Hanggang sa nagdesisyon siya na isumbong na ito sa kanyang tito at tita. Tapos ngayon ay nakakulong na yung tatay. Kaso yung mga pinsan niya daw na lalaki, parang nagpaparamdam rin daw na gusto nilang makipagtalik sa kanya. Umaakbay-akbay daw sila sa kanya. Tapos yun umiiwas na lang daw siya. Parang dahil daw dun, parang ang dumi-dumi na daw niyang babae. Kaso kailangan niyang magpakatatag at huwag madepress kasi may mga kapatid pa siyang kailangan niyang tulungan. Ngayon ay nasa pangangalaga na sila ng kanilang tito at tita tapos yung nanay nila ay pumanaw na.”

Ang panggagahasa ay isang karumal-dumal na krimen. Dapat na maparusahan ang lahat ng mga gumawa o gumagawa nito. Sa lahat ng mga biktima ng pangagahasa na nananahimik lamang dahil sa takot o hiya, panahon na para magsumbong upang sila ay maparusahan at hindi na muli maulit ang nakagigimbalang pangyayari. Walang mangyayari kung hindi kikilos. Walang magbabago kung mananahimil. Walang mapaparusahan kung walang magsusumbong. Kaya kung hustisya ang hanap, ating ipaglaban!


Reference:
Bonnay, J. (2011, March 12). The Hidden Consequences of Rape. Retrieved from                                     http://self-regeneration.com/2011/03/12/the-hidden-consequences-of-child-rape/

--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Group 6
Domingo, Mark Anthony
Jacobe, Dessa Mae
Perez, Jeff
Posilero, Jinky
Rubiano, Geremie
Tajan, Patrisha Willyn Mae


1 comment:

  1. May kaibigan din po akong nakaranas nang ganito pero ang kinaibahan lamang ay naranasan niya ito sa tatay ng papa niya. Noong 4th year high school niya kinuwento sa amin ito. Mula daw elementary to 2nd year high school daw siya minolestiya yung puro hipo tapos siyempre bilang kaibigan , naawa kami sa kanya tapos nagalit kami sa lolo niya, sabi namin ipakulong niya or isumbong na niya sa mga magulang niya . Pero yung sinabi niya sa amin " Kahit ganun ang ginawa ni lolo , hindi ko kayang makita siya sa kulungan dahil matanda na siya. kahit anong gawin ko, tatay siya ni papa . Oo, dapat nasa kulungan na siya ngayon. Pero kilala niyo ko , matapang ako pero pagdating sa pamilya ko, mahina na ako. Hindi ko kayang makita na may gulo sa buong pamilya at kamag-anak ko nang dahil lang sakin. Hindi niyo alam kasi yung feeling na masisira ko pati yung magandang relasyon ni papa at lolo. "
    Pagtapos niya sabihin yun, napagisip-isip ko may punto siya eh. Hindi natin madidiktahan kung ano ang dapat gawin ng isang biktima ng ganitong karahasan. Oo, masasabi nating bigyan ng hustisya pero nasa desisyon pa rin nila iyon kung pababayaan na lang nila ang nangyari at iiwasan o magkaroon ng hustisya at magkaroon ng kaguluhan sa pamilya. Sabi nga, tayo ang may hawak ng kapalaran natin, satin nakasaaalang-alang ang hinaharap.
    ( Group 2 )

    ReplyDelete