Ang isang pamilya ay binubuo ng isang
ama, ina, at mga anak. Mayroon ding ama at anak lamang, ina at anak, at
malawakang pamilya na nakabilang ang mga lolo at lola, tito at tita, pati na
rin ang mga pinsan. Hindi lamang ang mga kadugo mo ang pwede mong ituring na
pamilya, kundi pati na ang mga taong naging parte na ng buhay mo lalo na kung
sila ay mahalaga sa iyo. Malaki ang responsibilidad ng isang pamilya, sila ang
gumagabay sa iyo, tumutulong sa mga problema mo, at maski maliliit na bagay na
iyong tinatahak ay kanila itong sinusuportahan, depende kung ito ay sa
ikakabuti mo o ikakasama.
Sa
panahon ngayon, marami ng nagsusulputang iba’t ibang kasarian, tulad na lamang
ng “bakla o tomboy”. Dito sa Pilipinas, hinahadlangan ang tinatawag nilang Same
Sex Marriage, dahil nga halos katoliko ang relihiyong bumabalot sa ating bansa.
Hindi kasi sumasang-ayon ang simbahang katoliko sa mga ganyang mga usapin.
Mayroon ding mga lalaking pusong babae na nakakapangasawa ng tunay na babae
dahil na rin gusto nilang maranasan ang magka-anak at magkaroon ng sariling
pamilya. Kaya nais kong ilahad sa inyo ang isang maliit na kwento na ako mismo
ang nakasaksi.
Labing tatlong gulang
ako ng makilala ko ang magulang ng kaibigan ko. Hindi normal ang kanilang
pamilya kung maiituturing, naiiba. Ang haligi ng tahanan ay tinuturing ang
sarili bilang ilaw din nito. Matikas, maginoo, isang amang mapagmahal ngunit sa
kabila ng mga ganitong katangian, siya rin ay may pilantik na tulad ng sa
babae. Oo, siya ay isang lalaki na kilos babae, “bakla” sabi ng karamihan. Noong
unang nakita ko ang sistema ng kanilang pamilya hindi ako makapaniwala. Hindi pwede! Ang pamilya ay may tatay at
nanay, babae at lalaki, hindi pwedeng
babae at bakla. Imposible, sabi ng
utak ko. Imposible, sabi ng ibang tao. Hindi moral, hindi makatao.
Paano kaya ang ganun?
May nanay siya at ang tatay niya’y kumikilos bilang nanay din. Siguro
nakakahiya. Marahil tinutukso lagi sila ng ibang tao dahil sa hindi karaniwang
ayos ng kanilang pamilya. Siguro iniisip ng ibang tao na nakakasuka ang
nangyayari. Naawa ako ngunit may tanong pa ring gumuguhit sa utak ko.
Lumipas ang mga panahon
at naging malapit ako sa kanila. May mga araw na naroon ako sa bahay nila para
bisitahin ang kaibigan ko. Nasaksihan ko kung paano gumalaw ang pamilya nila.
Nasaksihan ko kung paano nagiging “tatay” ang amang pinagtatawanan ng ibang
tao. Napagtanto ko, kumpara sa iba, mas naging mabuting tao ang lagi nilang
pinag-uusap usapan at pinagtsitsismisan. Nagagawa niya ng maayos ang
responsibilidad ng isang ama, maging pati na rin ang kalinga ng isang ina. Ngayong
mulat na ako at may kamalayan na sa halos lahat ng nangyayari sa paligid ko, sa
pag- ibig at mga anyo nito, mas naiintindihan ko na sila. Nagsisi akong naging
katulad ako ng mga taong sarado ang isip sa realidad at purong husga ang
lumalabas sa bibig. Mas nandiri ako sa sarili ko at sa ibang tao sapagkat
naging sarado ako, kami, sa mga posibilidad ng buhay.
Hindi ko man natanong
dati kung tanggap sila ng kanilang mga kamag-anak ngunit sa aking nasaksihan,
maayos naman ang turing sa kanila. Makikita naman ang bakas ng pagtanggap sa
kanila ng mga nakatatandang myembro ng pamilya. Nagkakaroon lamang ng konting
problema sa mga bata na halatang iba na ang ikot ng mga isip. Kahit masakit ang
mga naririnig nilang opinyon galing sa ibang tao ay patuloy pa rin sila sa
kanilang buhay. Hindi man pangkaraniwan, ngunit alam kong punong puno din ng
pagmamahal at kasiyahan tulad ng ating nakagisnang anyo ng pamilya at
pagmamahalan.
Kung kaya’t huwag natin
basta-bastang huhusgahan ang personalidad ng ibang tao. Babae man sila, lalaki,
bakla, tomboy, o kahit ano pa man ang kanilang kasarian, ito ay ating tanggapin
ng walang pag-aalinlangan. Dahil wala tayong karapatang makialam kung saan man
o ano man ang kanilang napili o napusuang pagkatao.
--- Group3
--- Group3
Nunez, Vanessa Janine R.
Ojos, Kevin H.
Alabin, Glassyl R.
Calip, Kaye Paula Ara M.
Red, Ramces Brayalle T.
No comments:
Post a Comment